...Namimitas at Kumakain Kami ng Alatiris

Ano ba ang tama, ALATIRIS o ARATILIS?

Mas nakasanayan kong tawagin itong alatiris dahil noong ako ay bata pa, naiisip kong magkapareho ang ibig sabihin ng pisil at tiris. Alin man sa dalawa, ang tanging totoo ay masarap itong kainin. Kung isa kang nilalang na hindi napagkaitan ng kabataan ay alam na alam mong parte ng paglaki ang pamimitas ng mga bungang ito.

Kahit saan yatang lugar sa Pinas ay may matatagpuan kang mga puno nito. Ang natatandaan kong kuwento tungkol sa pagkalat ng punong alatiris ay kinakain daw ng mga paniki ang mga bunga at itinatae nila ang mga buto nito sa kung saan man sila maabutan. Kaya nga minsang naglinis kami ng bubungan ay nagulat ako nang makita kong may tumutubong alatiris sa aming alulod! Kahit na inuunahan kami ng mga alaga ni Batman sa pamimitas ay may silbi naman ang kanilang mga ebak kaya walang personalan, trabaho lang. Ingat-ingat lang sa mga bungang kinagatan na nila dahil baka magka-rabies.

Maraming puno ng alatiris sa lugar namin noon. Hindi pa ganun ka-developed ang Cubao kaya maraming mga nakatiwangwang na lupa na nagmumukhang gubat sa mga talahib, halaman at punong-kahoy tumutubo doon. Bawat avenue ay may puno nito kaya hindi ka masi-zero kung trip mong kumain ng libreng prutas na kamag-anak ng cherry. Alerto ka nga lang dapat sa mga masusungit na may-ari o kaya naman ay mabilis kang tumakbo sa mga nakabantay na aso. Alam mo rin dapat ang mga punong may higad at teritoryo ng mga pulang langgam o hantik kung ayaw mong kumapal ang mukha at katawan mo sa pantal.

Isa sa mga paborito naming puntahan para manguha ng alatiris ay ang station post sa Gate 2 ng Camp Crame. Panalo ang lugar na ito dahil ang laki ng mga punong nakatanim dito at napakarami kung mamunga. Hinahayaan nalang kami ng mga naka-duty na bantay na ubusin ang mga bunga nito kaysa linisin pa nila ang mga nahuhulog sa lupa. Ang ipinagbabawal lang ng mga pulis sa pamimitas ay ang pakikipag-away. Marami kasing ibang mga batang nangunguha dito kaya madalas ay paunahan na minsan ay nauuwi sa asaran at suntukan.

Mahirap manguhang mag-isa dahil kailangan ng teamwork sa ganitong misyon ng buhay. Una, dapat ay may lider kayo na marunong umakyat ng puno. Ang nakatatanda kong pinsang si Badds ang nabiyayaan ng talent ni Starzan - magaling siyang kumapit at alam niyang tumingin ng mga matitibay na sanga kaya hindi siya nahuhulog. Siya ang nagsisilbing tagapitas ng mga bunga sa matataas na bahagi ng puno na hindi kayang abutin ng panungkit na nakatoka naman sa ibang miyembro ng grupo. Hindi ako umaakyat ng puno dahil nagagalit si ermats kapag nalalaman niyang ginagawa ko ito. Tagasalo ang kadalasang nagiging silbi ko kaya pagkatapos ng aming pamimitas ay punung-puno ang t-shirt ko ng mga nagdikitang buto ng alatiris. Pingot nanaman kay mama. Meron din kaming mga kasamang tagayugyog ng puno at tagapulot ng mga nahuhulog na bunga. Ang kakaiba, dapat ay marunong kayong sumipol dahil kailangan ito kapag mainit ang panahon at gusto niyong humangin!

Pagkatapos ng hirap ay magtutumpok-tumpok na kami para sa hatian. Dito namin nararamdaman na kapag walang hirap, eh walang alatiris.

"One for you, two for me. One for you, three for me."

May mga kupal na bata na kahit wala pang anak ay ipinanganak nang magulang.

Kapag hatian ay para akong kumakain ng M&M's dahil namimili ako ng mga kulay ng alatiris na aking hahamigin. Ayoko ng pulang alatiris dahil madalas ay sobrang hinog ito at lamog. Mas gusto ko ang kulay green at kulay orange.

Paano ka kumain ng alatiris?

Ang iba, kapag kumakain nito ay nilalagay sa loob ng bibig, nginunguya, tapos ay idinudura ang balat. Mas trip kong hinahawakan ito at sinisipsip ang pinagtanggalan ng tangkay habang pinipiga ang mismong bunga. Minsan ay binabalatan ko ito na parang saging sabay subo. Sarapas.

May kakaiba rin akong trip sa pagkain nito. Masarap itong ilagay sa ref hanggang sa lumamig bago kainin. Puwede rin itong lagyan ng yelo at gatas na parang avocado. Ang pinakagusto kong ginagawa dati ay ang pagpiga ng mga bunga nito sa baso; lalagyan ng tubig, konting asukal, at ice cubes - presto, may ALATIRIS JUICE ka na!

Noong ako ay bata pa ay namimitas at kumakain kami ng alatiris. Masuwerte kami noon dahil may mga puno pa kaming naaakyat at napaglilibangan. Wala na yatang mga batang nakakaalam nito ngayon.



0 Response to "...Namimitas at Kumakain Kami ng Alatiris"

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...