...Nanghuhuli at Nagsasabong Kami ng mga Gagamba

Noong hindi pa uso ang mga selepono, tablets, at kung anu-ano pang mga gadgets ng makabagong totoy at nene, ang mga bata ay marunong pang maglaro sa mga lansangan at bakuran ng kanilang mga kapitbahay. Mayroong naghahabulan. Nagtataguan. Naghihiyawan. May madalas na asaran na nauuwi rin sa madalas na suntukan.

Wala pang ibang puwedeng paglibangan noon kaya bukod sa pagba-Batibot at paghihintay sa panty ni Annie, ang mga kabataan ay madalas tumambay para makipaglaro sa mga kapwa-bata. Ang social network noon ay wala sa kuwadradong mundo ng cyberporn at DOTA kundi nasa labas ng bahay.

Isa sa mga kinagiliwan kong laro noon ay ang PAGSASABONG. Hindi ng mga maiingay na tandang sa madaling-araw kundi ng mga eight-legged freaks na kung tawagin ay GAGAMBA. Kapag ikaw ay bata pa, may kakaibang puwersang nagtutulak sa iyo na mag-alaga ng kung anu-ano bukod kina Bantay at Muning. Nagkaroon kami ng mga alagang sisiw, pugo, bibe, at hermit crab courtesy of Manong Pabunot na tambay sa gate ng eskuwelahan. Nag-alaga rin kami ng isdang-kanal na ilang araw lang ang itinatagal sa malinis na aquarium. Kulang nalang ay maging mini-zoo ang bahay namin dahil sa mga aming mga inaaalagaan.

Pasimuno lagi ang pinsan kong si Badds na nakatatanda sa aking ng tatlong taon. Siya ang kakampi ko sa pakikipaglaban sa teks, sa agawan-base, at iba pang mga larong-pambata. Para sa akin ay siya ang eksperto sa mga ganung bagay.

"Jay, samahan mo ako, manghuhuli tayo ng gagambang ipanlalaban natin."

"San tayo pupunta?"

"Basta sumama ka nalang."

Ako namang batang adventurer, siyempre ay susunod sa dakilang master.

Hindi pa ganun ka-develop ang Cubao noon kaya may mga bakanteng-lote pa na gustung-gustong tirahan ng mga professional squatters. Kapag may bakanteng espasyo, siyempre ay may talahiban at mga punong-kahoy. At kapag meron nito, siguradong merong gagamba! Iniisa-isahin namin ang lahat ng mga madadaanang lugar at mas masukal, mas maganda dahil doon sila makikita kasama ang mga bumubulagang ahas. Pero ang totoo, nahuhuli rin sila sa mga kisame, sa bodega, sa palayan, sa sementeryo, at sa bahay ni Peter Parker.

May teknik sa paghuli ng gagamba. Ang pinakamadali ay tuwing bago magtakip-silim dahil ito ang mga oras na sila ay lumalabas para gumawa ng kanilang bahay sa pamamagitan ng sapot. Kawawa ang puwet nila sa akin dahil pinapanood ko muna silang matapos bago ko sila hulihin!. Paksyet lang, simpleng cruelty to living things. Ikaw kaya ang pagurin sa pagtae tapos hulihin, ano ang mararamdaman ng tumbong mo? Ang isa namang paraan ay tuwing umaga bago tumindi ang sikat ng araw. Ito kasi ang mga oras na sila ay nagbu-beauty rest sa kanilang munting crib. Isang sunggab mo lang, huli kaagad. Walang ka-effort-effort! Exciting manghuli ng gagamba kaya hindi ko ma-gets ang mga kaklase kong rich kids na bumibili ng tigbi-bente pesos na nabibili sa mga suking vendors sa labas ng iskul bukol.

Ang lahat ng mahuhuli namin ay isinisilid kaaagad sa karton ng posporo. Mas okay kung 'yung "Guitar" ang tatak dahil 'yun ang uso. Kadalasan, ito ay may partition na gawa sa dahon ng saging o niyog para hindi mag-away ang mga gagambang ipapasok mo dito. Nasa apat hanggang anim ang puwedeng manirahan sa loob ng matchbox aparment. Ito ang dahila kung bakit nag-iinit ang ulo ni ermats kapag nagluluto - nauubos kaagad ang mga bagong biling posporo palito pito na sabi ng Intsik ay walo.

Iba't ibang klase ang mga lahi ng gagamba at ang mga pangalan nila ay kadalasang nanggagaling sa lugar na kanilang tinitirahan. Kapag sa inyong humble abode ito nanggaling, ang tawag dito ay Gagambang-Bahay. Sila 'yung mga madalas ipanlaban para matalo at pagpraktisan ng mga "Class S" Spiders na kalahi ni Gokou. Mga duwag sila, takbuhin at madalas maglambitin kapag isinasabong. May paniniwalang huwag mo itong ipapakain sa mga palaban dahil mahahawa sila sa kaduwagan! Ang Gagambang-Talahib, obviously, ay hindi nakatira sa bermuda grass. Atapang sila at hindi atakbo pero ang sinasabing mas mga matatapang ay ang mga alagad ni Ramon Revilla, ang mga Gagambang-Kuryente na madalas matagpuan sa mga kable ng poste ng Meralco. Marami pang ibang lahi ng gagamba pero huwag niyong gayahin ang kababata kong nagmalaki sa amin na nakahuli daw ng Gagambang-Tambo na natagpuan niyang gumagapang sa isang walis-tambo!

Ang tatlong lahi ng gagambang nabanggit ko sa itaas ay ang mga madalas ipanlaban. Paalala, hindi puwedeng isabong ang Gagambang-Talon dahil nilikha nila si Bro para ipakain lang sa mga butiki. Hindi rin puwede ang Gagambang-Kantot na sobrang nipis ng katawan kahit na walang ginawa kundi ang mag-push-up. At bukod sa lahat, bawal ding ipanlaban ang mga Gagambang-Kubeta na madalas manggulat habang ikaw ay tumatae. Hindi sila gumagalaw pero animo'y nakatitig sa iyo at nagmamasid. Binabantayan nila ang itlog nilang may numero ng Jueteng. Nakakatakot din silang hawakan dahil mukha silang mga tarantula sa sobrang laki at mabalahibong katawan.

Simple lang ang pagsasabong. Parang boxing. One on one. Gamit ang isang ting-ting o barbecue stick, ilalagay sa magkabilang-dulo ang magkoponan. Pero bago ang lahat, ito ay hihimas-himasin ng may-ari para magalit at maging palaban. Hahayaan silang gumapang hanggang sa mag-krus ang kanilang landas. Oy, bawal itulak sa puwetan ang gagamba dahil malalamog daw ito at matatalo.

May mga labanang segundo lang ang itinatagal. Meron namang nakakabuwisit panoorin dahil sa sobrang bagal. "Katis" ang tawag kapag nasugatan ang isang gagamba at may likidong tumulo galing sa katawan. May mga pagkakataong nalalagasan rin ng mga paa ang mga spiders na naglalaban. Ang layunin lang dito ay masaputan ang kalaban; kung sino ang makasapot, siyang panalo.

Noong ako ay bata pa, nanghuhuli at nagsasabong kami ng mga gagamba. Sa murang isipan ay natutunan kong ang mga malalakas at hindi duwag ang parating nagwawagi!

1 Response to "...Nanghuhuli at Nagsasabong Kami ng mga Gagamba"

  1. Brix Says:
    July 12, 2012 at 11:47 AM

    very wonderful article..took me back to my childhood. lakas ng tawa ko sa gagambang kubeta.

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...