...Nanghuhuli Kami ng mga Isdang-Kanal

Noong ipinasyal namin ni misis ang mga anak naming sina Paul at Xander sa isang mini-zoo sa Tagaytay ay nakita namin ang napakasaya nilang reaksyon nang makita ang mga isdang nasa loob ng mga hile-hilerang malalaking aquarium. Wala pa sa dalawang taon ang edad ng aming mga kambal na anak pero bakas sa kanilang mga mukha ang pagkabighani sa mga lumalangoy na mga nilalang. 

Para sa akin, walang taong nabubuhay o namuhay sa mundo ang hindi nahilig sa mga hayup na pamagat ng kanta ni Irma Daldal. Para sa karamihan, okay ang kumain ng isda dahil bukod sa hindi sila ma-cholesterol ay wala naman silang "feelings" (ayon ay Kurdt Kobain). Ang iba naman, sa sobrang hilig sa mga ito ay inaalagaan pa sila katulad ng pag-aaruga sa mga alagang aso. Sabi kasi nila ay nakakawala raw ito ng stress kapag nakikita mo silang tumititig sa'yo at parang may ibinubulong. Ang hindi lang natin alam, matagal na nilang sinasabi sa atin na "Taena niyo, pakawalan niyo kami rito!".


Nasa ikatlong baytang ng elementarya ako noong magkaroon ako ng hilig sa mga isda. Hindi upang sila ay kainin kundi para hulihin at kulungin sila. Inggit na inggit ako sa bahay ng mga kalaro kong may aquarium na may laman na mga goldfish. Ipinagmamalaki pa nila sa akin na ang mahal daw ng bili ng kanilang mga erpats sa mga ginto nilang isda na may malalaking nakaluwang mga mata. Ako naman si inggitero, punta agad kay nanay para magpabili rin ng mga paksyet na nauusong isda.

"Ma, puwede ba akong mag-alaga ng goldfish?"

"Puwede-puwede, anak."

"Talaga poh?! Kung ganun ay pahingi po ng pambili ng aquarium, motorized pump, puting buhangin, chlorine, mga halaman, at siyempre, ng goldfish."

"Ayan ang hindi puwede, anak. Wala tayong perang pambili kaya makipaglaro ka nalang sa mga kapatid mo. Tsupi."

Bigo ako kaya luhaan akong umalis sa harapan ni ermat na may halong kaunting tampo. Parang goldfish lang, hindi pa ako mapagbigyan samantalang kumakain naman kami ng kilo-kilong galunggong at hasa-hasa! Hindi ko naman kakainin ang mga goldfish, aalagaan ko naman sila at paparamihin! 

Kinabukasan ay sinubukan ko ang suwerte ko kay Manong Goldfish, ang dakilang tambay sa labas ng ekuwelahan na nagpapabunot ng mga pekeng goldfish. Hindi ako gumastos ng recess. Nakihingi lang ako sa mga baon ng mga uto-uto kong klasmeyts para may pangbunot ako. Kapag kabuntot mo nga naman ang kamalasan, wala man lang akong nakuha sa sampung pisong winaldas ko kay manong. Walastik ang raket ni manong dahil kahit na kaunti lang ang nanalo (mga dalawa sa dalawampu) sa kanyang mini-cart business ay patok pa rin siya sa madalang pipol.

Hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Kailangang magkaroon ako ng mga isdang idi-display ko sa aming sala. 

Naikuwento ko sa bespren at halos kababata kong pinsang si Badds ang pangarap kong jackpot. At para siyang kinasangkapan ni Bro dahil may alam daw siyang solusyon. Huwag na huwag ko lang daw sasabihin kina erpats dahil tiyak na 'di sila sasang-ayon! Kumabog ang dibdib ko sa tuwa nang marinig mula sa kanya ang mabuting balita. 

 "Samahan mo ako sa batis doon sa Mariposa. May mga goldfish 'dun na puwede nating hulihin!"

Sa sobrang excitement ko ay parang nilakad lang namin ang lugar na kinalalagyan ng "batis" sa loob lamang ng isang minuto kahit na ito ay medyo malayo mula sa aming bahay. Pagdating namin doon ay itinuro sa akin ni insan ang batis kung saan may mga nakatirang mga kumikinang-kinang na isda. Huwaw, talagang napakagaling ni Lord dahil kung iisipin mo, hindi naman talaga batis 'yung pinuntahan namin. Isa itong kanal na galing sa townhouses ng Mariposa, isang lugar malapit sa amin kung saan ang mga nakatira ay mga bigatin at mga taong may ipagmamalaking pagdating sa karangyaan. Paano nagkaroon ng isda doon eh malayo naman ito sa dagat at ilog? Naisip ko tuloy noon na sobrang linis ng mga itinatapong tubig ng mga mayayaman kaya nagkakaroon at nabubuhay ang mga isda rito. Ang totoo, ayon kay idolong si Lourd, mas baboy ka kapag mayaman ka.

"Tara, lumusong na tayo!"

Noong una ay ayoko dahil alam kong kanal ng mayayaman ang gustong lusungin ni insan para magka-goldfish. Pero dahil sa pambubuyo, napilit din niya akong tumampisaw sa batis-batisang hanggang-tuhod ang taas ng tubig. Paksyet na malagket, hindi naman mukhang kanal dahil malinaw naman ang tubig. Ang siste nga lang, may burak kang matatapakan at kapag medyo lumabo na ang kulay ng tubig ay tsaka mo maaamoy na nasa kanal ka nga. Wala kaming pakialam dahil hindi naman kaartehan ang pinuntahan namin. Nandoon kami para magkaroon ng alagang isda. 

Hindi ito ang una at huling pagkakataon dahil ilang beses naming binalik-balikan ang sikretong lugar na iyon.

Ang pakiramdam namin ay mga mangingisda kaming may misyon sa buhay - ang makapag-uwi ng lambat-lambat na isda para sa ikasasaya namin. Huli dito, huli doon. May mga teknik kaming ginagawa para madaling makapangisda. May dala-dala kaming mga lumang salaan at mga lumang tabo para ma-trap ang mga mailap na goldfish (daw). Minsan naman ay nag-iiwan kami ng mga malalaking garapon sa batis at hinahayaan namin para bahayan ng mga isda at magha-harvest nalang matapos ang ilang araw. Nalaman rin namin na mas mahirap manghuli kapag umuulan. Biruin mo, sa murang edad, naging bihasa kami sa mga impormasyong mga bata lang ang nakakakaalam pagdating sa mga isdang nakatira sa estero.

Kahit na ilang beses na sabihin sa amin na isdang-kanal at hindi goldfish ang mga inaalagaan namin ay patuloy pa rin kami sa paghuli. Kulay ginto rin naman ang buntot ng mga ito at ang iba pa nga ay may batik-batik na kulay itim sa katawan. Para sa amin, ang mga "janitor fish" sa loob ng aquarium ang tunay na isdang-kanal dahil kumakain sila ng tae

Wala kaming pambili ng mga magagarang aquarium kaya ang mga alaga namin ay inilalagay namin sa sa mga malalaking garapon ng mayonnaise na ninenok pa namin sa bahay ng lola ko. Ito ay katulad ng mga garapong pinaglalagyan ng mga hepatitis vendors ng mga itinitinda nilang manggang-hilaw na nakababad sa tubig. Kung ang mga aquarium ay may white sand, ang sa amin naman ay may white gravel na ninakaw naman namin sa kapitbahay naming nagpapagawa ng kanilang mansyon. May halaman din kaming ipinapalamuti para may oxygen silang malanghap dahil wala rin kaming pambili ng motorized air pump. Kitams, lumalabas ang pagiging MacGyver namin para lang sa mga peste. Este, pets pala.

Marami akong masasayang alaala sa panghuhuli ng mga isdang-kanal. Andyan 'yung hinataw ako ng walis-tambo sabay piningot pa sa tenga noong malaman ni ermats na lumulusong ako sa kanal. Isama mo pa ang kodak moment ng pagsinturon sa akin ni erpats noong bumalik kami ulit sa batis ng basura. At higit sa lahat ay hindi ko malilimutan ang araw na habang nanghuhuli ako ay may tumambad sa harapan kong lumulutang na kulay dilaw na tubol na unti-unti nang nalalagas sa pagkakababad sa tubig!

Noong ako ay bata pa, nanghuhuli kami ng mga isdang-kanal at doon ko  nalaman na hindi sila puwedeng mamuhay sa tubig na nilagyan ng chlorine - namamatay sila kinabukasan. Ang mga isdang-kanal ay katulad rin ng ibang mga tao - kapag nasanay na sa kasamaan at karumihan, hirap na hirap nang makabalik sa malinis na kabutihan.




12 Response to "...Nanghuhuli Kami ng mga Isdang-Kanal"

  1. khantotantra says:
    October 9, 2011 at 9:52 AM

    hahahah. nagawa ko to noon. sa sapa naman kami nanghuhuli. yung maliliit na parang gurami.

    yung goldpis na binebenta sa tapat ng eskwelahan, minsan 2 days lang deds na! :p wala daw kasi oxygen.

  2. NoBenta says:
    October 9, 2011 at 10:15 AM

    hindi kumpleto ang buhay-bata kung hindi ka dumaan sa ganito. nasubukan mo bang ihawin ang mga isdang nahuhuli mo? \m/

  3. tin Says:
    October 9, 2011 at 11:58 AM

    haha!! nasubukan ko ng manghuli at ihawin ang isdang kanal.... ung malalaki at mukhang buntis, hinihiwa namin ang tyan ^_^

  4. Anonymous Says:
    October 9, 2011 at 9:11 PM

    ay iyan ang isa sa mga masasayang alaala ng aking kabataan ang manghuli ng mga botete sa kanal kahit gulpe ang inaabot ko sa nany ko.

  5. Anonymous Says:
    October 9, 2011 at 10:00 PM

    kakatuwa naman! nasubukan kong manghuli ng gurami at talangka! syanga pala, nakaka inspire naman ang blog mo... kudos! - grace (tubong Pangasinan)

  6. NoBenta says:
    October 10, 2011 at 10:28 AM

    @tin: sana ay sinubukan niyo kang ihawin pero hindi niyo sinubukang kainin! hehehe

    @anonymous 1: kahit na ilang hagupit pa ang abutin natin, okay lang dahil walang ibang saya ang nakukuha natin sa panghuhuli ng isadang-kanal. alam din naman nila erpats at ermats natin yun kaso ang tao ay nagiging kj habang tumatanda! \m/

    @anonymous 2 aka grace: sobrang natuwa naman ako sa komento mo. ikaw pa lanag ang nakapagsabi niyan sa akin. salamat!

  7. Teklah says:
    November 3, 2011 at 9:00 PM

    mantakin mo, dati may mga isda talaga sa kanal.. ngaun wala na, pati kanal wala na rin..

  8. Anonymous Says:
    November 12, 2011 at 4:45 AM

    gawain din namin yan dati.nga lang, butete ang hinuhuli namin (mas madaling ma-capture eh).dun yun sa mga putikan na may parang maliit na crater ang formation, malapit sa poso ng kapitbahay namin:)). by the way, ganda ng blogs mo.lupet!:)

  9. Anonymous Says:
    January 17, 2012 at 7:16 PM

    bwahaha relate much.. inggit din ako, sa pinsan ko naman. like ko dn mag alaga ng goldfish noon pero ayaw ng nanay ko wala pambile ng aquarium tska accesorries. sa ilog naman ako nang huhuli ng ganyan tska yung butete haha.

  10. Anonymous Says:
    March 18, 2012 at 1:00 PM

    kakatuwa nman, sarap balikan ng kabataan, gawain din nmin ng mga kababata ko yan sa Pasay, paramihan pa kmi ng mga nahuhuling butete...

  11. Anonymous Says:
    May 31, 2012 at 1:03 PM

    sobrang adic nmn sa fish non? kya kht bawal kmkuha prin kmi sa burnham lake sa baguio? ang tawag nmn sa breed ng fish nyun ay jojo fish?? ewan ko bkt naging jojo fish ang tawag? thn non umuso ang flower horn fish at arwana? binebenta sa pet shop ang jojo fish para pagkain ng flower horn at arwana fish? parang 2pcs 1piso??decada 90 ahthigh

  12. Anonymous Says:
    June 12, 2013 at 11:14 AM

    gling ng blog mo :) naka tuwa naalala ko mga kalokohan ko nong bata
    lalo na sa panghuhuli ng isda sa sapa hanggang gumabi...

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...