...Pinapakain Kami ng Nutribun sa Eskwelahan

Walang-duda na ang RECESS ang isa sa mga pinakaaabangang oras sa eskuwelahan. Sabi nga ng karamihan, ito ay sunod sa P.E. bilang "favorite subject" ng mga mag-aaral. Kapag pagkain na ang usapan, tapos na ang laban.

Sa pagsapit ng recess, naglalabasan sa mga lunch boxes ang mga snacks na paborito ng mga bata - mga pagkaing dahilan kung bakit mas magana silang pumasok. Sa kabila ng ganitong eksena ay mayroon din namang mga estudyanteng walang baong pagkain pero may mga bulsang puno ng perang galing sa kanilang mga tamad na nanay na hindi sila kayang asikasuhin.

Sa isang pampublikong paaralan tulad ng pinasukan kong Mababang Paaralan ng Kampo Krame, ang isa sa mga hindi malilimutang snack (kung ito ay matatawag ngang ganun) ay ang NUTRIBUN o mas kilala sa pagbikas na "nutriban".

Konting flashback para sa ibang hindi nakakakilala sa tinapay na ito. Ang totoo, hindi ko alam kung may itinitinda pang mga nutriban ngayon sa mga paaralan. Wala akong makita sa internetz ng tiyak na kasaysayan ng pagkaing ito pero ayon sa mga nakatatanda, ang nutribans ay ang solusyon para matugunan ang pangangailangan sa maayos na nutrisyon sa mga paaralan noong mga unang taon ng dekada setenta kung kailan nagkaroon ng malaking krisis ang ating bansa sa pagkain. Ang mga tinapay na ito ay gawa sa mga sangkap na donasyon mula sa mga bansang USA, Canada, at Australia. Noong una ay libre itong ipinamimigay sa mga paaralan pero nang lumaon ay ibinenta rin sa mas murang halaga. Kasing-laki raw ito ng monay na kasing-laki naman daw ng apat na pandesal.

Hindi ko alam kung ang nutriban na naabutan ko noong ako ay bata pa ay ang nutriban ding natikman nina erpats at ermats noong administrasyon ni idol Makoy.

Ano ba ang memories ko sa tinapay na ito?

NAPAKARAMI. Ito lang naman ay naging parte ng buhay-estudyante ko mula Grade 1 hanggang sa ako ay makapagtapos sa elementarya. Araw-araw na ginawa ni Bro, hindi siya nawawala sa canteen tray na inilalako sa bawat classroom. Kahit na nakapiring ako ay alam ko kung papakainin ako ng potang tinapay na ito dahil alam na alam ko ang lasa nito.

Hindi kami pinapalabas ng silid kapag recess kaya may rasyong inihahatid ang canteen sa bawat section. Sa isang classroom, ang bilang na mag-aaral sa isang silid ay nasa kuwarenta noong panahon ko at sa isang canteen tray ay nandoon ang dalawampu't apat na piraso ng nutriban (isang dosena kada plastic). Maraming tindang puwedeng bilhin tulad ng nilagang itlog, nilagang saba, mga kakanin at iba pang mga nutrilicious na pagkain. Malayang nakakabili ng kung ano ang gusto ng bawa't isa pero panay ang paalala ni teacher na HINDI PUWEDENG MAY MATIRANG NUTRIBAN. Bawal. Isang kasalanan. Hindi ko alam kung bakit. Madali sigurong mapanis sa loob-loob ko.

"Class, may natira pang mga nutribans dito, bilhin niyo na. Masarap ito..."

Kapag ganito na ang banat ni ma'am, dedma na ang lahat - may yumuyuko, may tumitingin sa bintana, may biglang nagsasabi ng "Ma'am, may I go out?". Alam naman ng guro namin kung bakit ganito ang scenario. Alam niya kasing sawang-sawang-sawang-sawang-sawa na kami sa lasa ng walang kuwenta tinapay ng eskuwelahan.

Ang malufet nito, kapag patay-malisya lang ang lahat ay ipapautang na ito ng sapilitan sa makukursunadahang estudyante ni teacher. Kapag minalas-malas ka nga naman ay wala kang magagawa kung hindi ang magpauto. Bukas nalang ang bayad o kaya kahit two-gives basta bilihin mo lang ang natirang limang nutribans. Kapag sa akin napapautang ito ay pumapayag nalang ako. Kunwari ay kakain ako ng isa pero ipamimigay ko sa mga katabi ko 'yung iba. Mas malas ka kung ayaw rin nilang tanggapin!

Ang sabi ng aming mga guro, ang nutribans daw ay pampatalino at pampalakas. pampaguwapo at pampaganda. Pampabait at pampasaya. 

Pero kahit na gaaano kaganda ang pagpapakilala sa bread na ito, mahirap talaga siyang lunukin kapag nauumay ka na. Isama mo pa rito ang mga experiences mo sa mga buhok na madalas mong manguya mula sa tinapay; 'yung mga insektong sabi nila ay kuto (korean bug sa iba) ng mga lumang harina; at mga kuwentong habang ginagawa raw ito ay napapatakan ng pawis mula sa kili-kili ng panaderong nagmamasa ng harina nito. Ang sarap kainin,'di ba?

Saan ba gawa ang nutriban? Noong maubos na ang mga donasyong imported na mga harina, wala na ang nakaalam kung ano ang pangunahing sangkap nito. Sabi nila, gawa daw ito sa giniling na soya. Hmmm, kaya pala ito ang ipinatatanim sa aming gardening. Hindi namin alam kung saan napupunta 'yung mga inaani naming soy beans.

Para maibenta ang mga nutribans ay nakaisip ang canteen na gawin itong katakam-takam. Iba-iba ang klase nito kada araw. Lunes ay may pahid itong Star Margarine sa ibabaw. Martes, Star Margarine na may budbod ng second class na asukal. Mabenta ang unang dalawang araw dahil marami sa amin ang gustong tumangkad. Miyerkules ay may pahid ng kondensadang gatas na binudburan ng Milo. Matamis na bao naman kapag Huwebes. Special ang Biyernes dahil may pahid ito ng peanut butter na nabibili ng kilo-kilo sa palengke. Kapag wala sa mood si Manang Canteen ay "plain" lang ang pinapadalang rasyon. Paksyet, kailangan mong bumili ng sopas na malamig para may sawsawan ka ng walang-kuwentang tinapay na lasang amag! Para-paraan lang.

Noong ako ay bata, pinapakain kami ng nutribun sa eskwelahan. Tingin ko, isa ito sa mga pagkaing nagbigay ng talino sa henerasyong kinabibilangan ko. Hindi tulad ngayon na instant noodles lang na punung-puno ng Ajinomoto ang ihinahain!



7 Response to "...Pinapakain Kami ng Nutribun sa Eskwelahan"

  1. Anonymous Says:
    September 10, 2011 at 8:20 AM

    hindi ko man naabutan yang nutribun na yan (born: 1991), di ko naman masabi na di matalino yung henerasyon namin.

    "Hindi tulad ngayon na instant noodles lang na punung-puno ng Ajinomoto ang ihinahain!"

    d naman siguro instant noodles lang yung ihinahain sa lamesa. :))

  2. Vangie Says:
    September 10, 2011 at 11:38 AM

    ako ay batang lumaki sa nutribans, kaya masasabi ko na parang taliwas sa aming karanasan ng pagkain ng nutirbans ang iyong nakain. parang di magandang murahin mo ang pagkain, anuman ang lasa nito. sa maraming pilipinong bata nung henerasyon na yon, siguro mas marami ang nasarapan sa nurtibans at napunan nang kalam nilang sikmura sa oras ng recess at naging bahagi ng batang sa pampublikong paaralan.

  3. Anonymous Says:
    January 12, 2012 at 10:45 AM

    I don't remember nutribun as that bad back then. Depende siguro sa panadero and kung kalam ang sikmura. Kung me pera ang nanay, pinabibili niya ako ng lima, di naman hamak na mas mura kesa tinapay sa panaderia and its huge. For a poor kid, nutribun is like a manna from heaven.

  4. Anonymous Says:
    April 25, 2012 at 2:34 AM

    I still remember the nutribun as part of my elementary days.... Ang aking baon nutriban lang ang kasyang bilhin sa maghapon...

  5. Anonymous Says:
    November 15, 2013 at 3:40 AM

    masarap ang nutribuns ng mga unang labas, lalu na ng mga 1971, 72,73,at 74, kasi nagpapabili pa kami sa kapatid ng kaklase namin na nasa elementary pa, nasa high school na kami nun time na yun, kahit walang palaman , malasa at nakakabusog talaga... pero later on, nagiiba na ang lasa, hanggang sa di mo na talaga nanaisin pang bilhin, ewan ko bat nagkaganun...

  6. Anonymous Says:
    September 9, 2015 at 3:37 AM

    Miss ko ang Nutribun.... 80's yung panahon nung inabot ko... ditto sa Villamor Pasay, formerly Nichols Air Base Elementary School... cocojam ang sidekick nya noon... misteryoso ang Nutribun, wala pa akong na-engkwentro na tinapay sa kasulukuyan na kasinlasa nya.... simple pero very nutricious and I'm proud to be a part of that generation.... a generation when food was abundant at a low cost.

  7. Unknown says:
    November 23, 2017 at 5:58 AM

    Hahaha...natuwa ako sa kwento mo sa experience mo sa nutribun ako ay dumaan din sa pagkain nutribun nun ako ay elementarya pa totoo lasang amag nga hahaha

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...