...Naniniwala Ako sa mga Panakot ng mga Matatanda

Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging "gullible" o ang katangiang "madaling maniwala". Hindi naman ito halata sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan pinaniwala tayo ng mga dayuhan kaya nasakop ang ating bayan ilang siglo na ang nakaraan.

Nagmula sa mga kaninu-ninuan ng ating lahi, hanggang ngayon ay nananalantay pa rin ito sa dugo ng bagong henerasyon ng mga Pilipino. Paanong mawawala sa atin ito kung mismong ang mga magulang natin at mga matatanda ang unang nagturo ng kaugaliang ito sa atin noong tayo ay bata pa?

Pinagbilinan ko si misis na huwag na huwag na huwag niyang didisiplinahin ang  kambal na mga anak namin sa pamamagitan ng pagsabi ng "Huwag ka diyan, may mamaw diyan...kukunin ka ng mamaw kapag pumunta ka diyan.". Sigurado ako, lahat tayo ay lumaki sa ganitong pagsaway sa atin ng ating mga magulang. Bakit kailangang "mamaw" pa ang idahilan kung ayaw nating papuntahin sa isang lugar ang isang bata-batuta? Natatandaan ko noon, hindi ko naman talaga alam kung ano ang itsura ng mamaw basta alam ko lang eh nakakatakot siya base sa facial expression ni mama kapag sinasabi niya ito kaya hindi ako pumunta doon sa lugar na gusto ko sanang puntahan. Ang nakakaloko, minsan ay inutusan niya akong kunin ang kung anong bagay dun sa lugar na 'yun kaso ayoko dahil alam kong may mamaw doon. Siyempre nagalit siya dahil ayokong sumunod. Narinig ko nalang na sinigawan niya ako ng "Ang duwag-duwag mo eh hindi wala namang multo diyan!". Tama si Ely Buendia, "...ngayon ay may asawa at meron ng pamilya, wala namang multo ngunit takot sa asawa ko...".

Ayaw na ayaw ng mga magulang na nasusugatan ang kanilang mga anak dahil gusto nilang maging "flawless" sila sa paglaki. Okay, fine. Tanggap natin ang ganyang dahilan pero tama bang takutin ang mga bata ng "Hala ka, lalabas diyan 'yung kanin...lalabas diyan 'yung pari....lalabas diyan 'yung tren!" kapag sila'y nasusugatan? Iyak ako ng iyak kapag tinatakot ako ni erpats ng ganito kapag umuuwi akong sugatan galing sa galaan dahil sa paglalaro kasama ang mga tropa kong batang-kalye. "Uulit ka pa? Sabi sa 'yong dito ka nalang sa bahay pumirme para 'di ka nasusugatan eh!". 'Yun lang naman pala ang gustong sabihin eh ang dami pang panakot! Pasalamat si erpats dahil hindi ko pa alam noon ang digestive sytem at wala akong kamuang-muang na imposibleng magkasya sa tuhod ko ang tren at ang pari ng chapel ng Kampo Crame.

Kung talagang makulit ang bata at patuloy pa rin sa paggala, sasabihan ito ng "Huwag kang lalabas dahil may kultong nangunguha ng bata at inilalagay sa sako.". Takot na takot kami sa kultong kumakain ng parte ng katawan ng mga bata kaya hindi kami lumalayo ng bahay. Hanggang ngayon ay may ganitong balita sa teevee pero wala pa ring nahuhuling salarin. Puro peke rin ang mga batang nawawala!

Kapag Mahal na Araw, may panakot ding sugat-related - "Bawal maglaro dahil hindi maghihilom ang sugat mo kapag nadisgrasya ka". Patay daw kasi si Papa Jesus kaya walang magpapagaling sa atin. Minsang nanonood kami ng teevee ay nakita ko ang mga sugat sa likod ng nagpipinitensya kaya tinanong ko ang mga matatanda kung paano 'yun gagaling? Moment of silence. Isa-isa silang umiiskapo. Ewan ko kung bakit.

Noong totoy pa ako, ayokong natutulog sa hapon dahil gusto kong maglaro sa labas ng bahay. Pero dahil may panakot ang mga nagbabantay, no choice kundi ang magtulug-tulugan. Ayoko kasing mapagalitan kapag isinumbong ako kay ermats na hindi ako nag-siesta. Bukod sa walang meryenda, ayokong naririnig ang "Kapag hindi kayo natulog ng hapon, hindi kayo tatangkad!". Eh ayoko talagang matulog kaya binabawi ko nalang sa pagpapalaman ng Star Margarine sa tinapay at pagkain ng Star rice. Hindi ko lang alam kung sino ang sinungaling dahil lumaki akong bansot!

Kapag kami ay nag-aasaran ng mga kapatid ko noon, nangunguna ako sa sadyang pagpapangit ng mukha at pag-muwestra ng kung anu-ano sa katawan para may mapikon. Kapag may umiyak na, heto na si mama para mag-referee, "Sige ituloy mo lang 'yan anak, bahala ka kapag nahipan ka ng masamang hangin.". Siyempre, hihinto naman ako dahil ayokong pumangit habambuhay. Habang lumalaki, ang tanging nalaman kong mga masamang hangin ay ang utot at ang kabag.

"Huwag kang iihi sa kung saan-saan dahil baka may maihian kang duwende.". Eh paano kung talagang 'di na kaya ng pantog mo? Buti nalang ay may pangontrang "Tabi-tabi po, makikiihi lang po...". Takot ang mga batang lalaki sa ganito dahil mamamaga daw ang pututoy kapag naihian mo ang nuno. Kung alam ko lang na ganito, sana ay may naihian nalang ako para natalo ko si Totoy Mola. Paano kaya tumitira ang mga duwende sa mga pader at mga poste ng Meralco?

Kapag dumarayo ka raw sa isang lugar at first time mo, kailangan mong humalik sa lupa para hindi mamatanda. Natatandaan ko noong isinama ako ni erpats sa Baguio para sa kanilang company outing. Unang beses akong makakapunta roon kaya paulit-ulit akong pinapaalalahanan ng kanyang mga kasamahan tungkol sa kasabihang ito. Hindi ko masyadong sineseryoso kasi medyo may utak na ako noong mga panahong iyon kaso gullible nga ako kaya nabuyo rin. Nang makarating sa transient house na aming tutuluyan ay sumimple akong makipag-leps-to-floor. Paksyet, tawa ng tawa 'yung walang-hiyang nakakita sa akin. Letsugas.

Ngayong matanda na ako, naiisip ko kung paano ako naisahan noong ako ay musmos pa. Malamang ganun din ag karamihan kaya nagtutuluy-tuloy ang nakasanayan. Kumbaga sa ROTC, gantihan - "...pinarusahan noong ako ay kadete pa kaya ako naman ang magpaparusa ngayong opisyal na.".

Noong ako ay bata pa, naniniwala ako sa panakot ng mga matatanda. Kahit hindi naman totoo. Ay mali, tama pala ang pagsira nila sa imahe ng mga buwaya - "Anak, huwag ka diyan...may pulis!".



5 Response to "...Naniniwala Ako sa mga Panakot ng mga Matatanda"

  1. Anonymous Says:
    August 29, 2011 at 5:22 PM

    hehehehe... natawa naman ako sa pag ihi sa punso, kahit ako noong bata pa ako ganyan din ang aking binabanggit.

    "Tabi-tabi po makiki-ihi lang po" hahahah.

  2. NoBenta says:
    August 30, 2011 at 5:13 AM

    pero aminin mo...hanggang ngayon eh ginagawa mo pa rin ito paminsan-minsan dahil baka nga may maihian kang nuno!

  3. Anonymous Says:
    September 21, 2011 at 11:36 AM

    ganyan na ganyan din karanasan ko nung bata pa ako. kaya siguro tau madaling mautong mga pilipino kasi bata palang nahubog na ang ating kaisipan na paniwalaan lahat ng sinasabi ng mga nakakatanda sa atin. ang kaugaliang ito ay very obvious tuwing eleksyon, tingin ko alam nyo na ang nais tumbukin ng aking komentong ito.

  4. Anonymous Says:
    October 11, 2011 at 6:28 AM

    hahaha...ang galing mo NOBENTA ...ang sarap balikan yung mga kwento at panakot sa atin nila tatay at nanay..lolo at lola nuong tayo ay mga bata pa...

    nakakatuwang maalala yung pag may sugat ka..sasabihin na me lalabas na pari..na ewan ko nga naman kung anung koneksyon...


    dun din sa pagpapatulog sa tanghali...na kapag hindi daw natulog...hindi kami tatangkad o lalaki..at wala din daw meryenda...

    at kung ayaw ka nilang lumabas o gumala ay sasabihin nila yung tungkol sa "MANUNUPOT" ...ito ang pinaka kinatakutan ko..sila daw yung mga mama na me dalang sako at itak na nangunguha ng batang gala...ilalagay sa sako at pagtapos ay pupugutan daw ng ulo... at yung dugo ay ilalagay sa tulay para daw tumibay...hahaha...sobrang nag ka phobia ako tuwing me makikita akong mga mama na me dalang sako at itak..

  5. batu bata says:
    January 2, 2022 at 3:15 PM

    terima kasih

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...