...Namamasyal Kami sa Fiesta Carnival

Bakit kapag naririnig o nababasa natin ang salitang "karnabal", may kakaibang saya tayong biglang nararamdaman o naaalala? 

Bakit kahit na mangiyak-ngiyak na tayo sa mga nakakatakot o nakakalulang mga carnival rides na ating sinasakyan ay masaya pa rin tayo pagkatapos? 

Bakit kahit gaano na tayo katanda, ang feeling natin ay bumabalik tayo sa pagkabata kapag tayo ay nagpupunta sa karnabal?

Ang lugar na aking kinalakihan ay nasa gilid lang ng Kampo Crame kaya naman grade four pa lang ako ay natuto na kaagad akong sumakay sa mga jeepney na may biyaheng "Murphy-Cubao-Farmers" para makarating sa Araneta Center. Isa sa mga paborito kong pinupuntahan namin noon ay ang nabaon na sa limot na FIESTA CARNIVAL.

Maraming masasayang alaala ang lugar na ito ng Cubao. Para sa akin at sa milyung-milyong batang naabutan ang FC, ito ang "Disney ng Pilipinas", ang pinakamasayang lugar sa buong mundo. Hindi ito katulad ng ibang mga theme parks ngayon sa Pinas (na bukas lang tuwing Pasko at bakasyon) dahil all-year-round ang kasiyahan dito. Anytime na may extra na pera sila ermats at nagyayang mamasyal sa Cubao, imposibleng hindi kami mapapadpad sa noo'y pinakasikat na amusement center ng mga bata.

Ano nga ba ang mga naaalala mo sa Fiesta Carnival?

Simulan natin sa mga rides...

Nasakyan mo ba ang pinaka-exciting ride sa FC, ang kanilang ipinagmamalaking ROLLER COASTER? Ito ay wala sa kalingkingan ng Space Shuttle ng Enchanted Kingdom ngayon pero ilang taon ang hinintay ko bago ako nakasakay dito - bansot kasi ako noong ako ay bata pa kaya lagi akong hinaharang ng nagbabantay kapag nagpipilit akong sumakay dito! Pero huwag ka, halos sumabog ang puso ko at mapunta ang yagbols ko sa leeg dahil sa kaba nang una akong ma-devirginize ng potang ride na ito. Eh ano ba, thrill-seeker nga eh. Ikaw ba naman ang sumakay sa coaster na gawa sa kahoy na mukhang bibigay na, tapos wala pang seatbelt, ano kaya ang mararamdaman mo?

Mayroon ding tinatawag na CATERPILLAR. Ito 'yung ride na parang roller coaster pero paikot-ikot lang siya na parang carousel. Pinagtiyagaan ko itong sakyan noong hindi pa ako pwede sa roller coaster pero ang totoo, ayoko ng ganitong ride dahil nahihilo ako sa ganitong klase. Ang thrilling part lang dito ay pabilis siya ng pabilis sa pag-ikot kaya kailangan mong kumapit ng mahigpit sa grab bar kung ayaw mong tumilapon.

Isa pang ride na nagpapagising ng kaluluwa ay ang OCTOPUS. Kung titingnan mo ito, siyempre mukha siyang isang malaking pugita. Mas nakakahilo ito para sa akin. Siguro mga dalawang beses lang akong sumakay dito sa buong buhay ko dahil ayoko ang pakiramdam na nasusuka habang nagsasaya. Tulad ng sa Caterpillar, kailangan mong kumapit ng mahigpit kung ayaw mong matulad sa napabalitang batang namatay dahil tumalsik sa ride na ito.

Sa ilalim ng Roller Coaster ay matatagpuan ang HORROR RIDE na isa sa mga pinipilahan kapag peak season dahil siguro ay gustung-gusto natin ang pakiramdam ng natatakot sa mga bagay na hindi naman talaga nakakatakot. Sa pila palang ay kakabahan ka na dahil maririrnig mo sa speakers ang mga sumisigaw na parokyanong nasa loob ng "madilim na kuwebang" dinadaanan ng two-seater na sasakyan. Idagdag mo pa ang panakot ring karatula na nagsasabing hindi ito puwede sa mga mahihina ang puso at sa mga buntis. Takot na takot ako sa mga manananggal, sa sementeryo, at iba pang mga aswang na makikita sa loob nito. Sa pagkakatanda ko, napanaginipan ko pa nga ang mga ito.

FERRIS WHEEL. Isa sa mga pampalula. Nangatog ang tuhod ko dito noong maranasan kong huminto ang mismong sinasakyan namin sa pinakatuktok. 

Sa ikalawang palapag ng FC ay matatagpuan ang GO KARTS. Kahit na ilang beses akong bumangga sa mga gulong na harang ng race course ay "go" pa rin ako sa paulit-ulit na pagsakay. Gusto ko kasing matutong magmaneho ng sasakyan. Sa awa ni Bro, hanggang ngayon ay 'di pa rin ako marunong. Dahil puro bangga ang inaabot ko, mas nagustuhan ko nalang na sakyan ang BUMP CARS kung saan puwede mong bungguin ng bungguin ang mga trip mong bungguin!

May mga pampamilyang rides din tulad ng SKY RIDE na parang cable cars na kahugis ng M&M's na may mani sa loob. Dito mo makikita ang bird's eye view ng kalahati ng karnabal. Nandiyan din ang walang-kamatayang TRAIN RIDE na lilibutin naman ang buong  perimeter ng FC. Puwede rin kayong mag-trip around-the-world sa pamamagitan ng pagsakay sa STATIONARY AIRPLANE. Feeling ko talaga noon ay nakasakay na ako ng eroplano dahil sa ride na ito - para siyang sinaunang "Rialto" ng EK.

Para sa mga munting chikiting, hindi mawawala ang GRAND CAROUSEL. Siyempre, kailangang makasakay ni totoy at nene sa umiikot na horsey. Meron ding mga MINI-BOAT, MINI-TRAIN, MINI-CARS na paikot-ikot din tulad ng carousel. Noong tayo ay mga bata pa, masaya na kahit pinapaikot lang tayo! Isama na rin natin sa listahan ang mga stationary rides na hinuhulugan ng token - puwede kang mamili sa kabayo, kotse, eroplano, elepante, giraffe, barko, at kung anu-ano pa.

Marami pang ibang mga rides sa FC pero ang mga nabanggit lang sa itaas ang mga naaalala kong paborito ko. 

Kain na muna tayo. Naaalala mo pa ba ang mga kiosks doon na nagbebenta ng hotdog on stick na may malufet na design ng pagkakahiwa? Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung paano 'yun ginagawa. Natikman mo ba ang mga waffles doon na may pekeng Purefoods hotdog? Eh yung mga hamburger at ham sandwiches na akala mo ay malaki ang palaman pero kapag kinain mo na ay malalaman mong kalahati lang pala? Da best ang mga palamig doon lalo na 'yung mga sago't gulaman na iba't iba ang kulay.

Sa gate papuntang SM Cubao, naaalala mo pa ba ang mga bilihan ng mga t-shirt na ang kadalasang naka-print ay Harley Davidson, Bon Jovi, at Guns N' Roses? Dito rin matatagpuan ang arcade area kung saan puwede kang maglaro ng mga video games tulad ng Street Fighter II. Classic ang SHOOTING RANGE kung saan puwede kang mamaril ng mga tau-tauhan gamit ang mga sinaunang pellet guns. Noong nauso na ang videoke, may isa ring lugar sa parteng ito ang naging tambayan ng mga taong mahilig sa mic kahit na walang hilig ang mic sa kanila. Natatandaan mo pa ba ang mga unanong payaso na gumagala sa loob ng FC? Sa lugar ding ito sila madalas matatagpuan. Noong ako ay bata, medyo takot ako sa kanila dahil sa pangit nilang itsura. Sa tingin ko, lahat naman yata ng mga bata ay takot sa clowns. Nang lumaon at ako ay unti-unti ng nagka-edad, kinaibigan ko na sila at nalaman kong ang isa sa kanila ay may pangalang Nora. Mabait naman pala. Minsan nga ay nililibre pa kami na sumakay sa tren.

Bago natin makalimutan ang lahat, isang palatandaan na ikaw ay certified batang-FC kung isa ka sa mga nagpa-picture sa estatwa ng LION at CARABAO na matatagpuan sa loob ng karnabal! Sana ay naitago ko ang mga litrato namin dito. Sayang at nawala.

Ang daming alaala. Punung-puno ng saya. 'Yun nga lang, mananatili nalang ito sa ating nakaraan dahil wala na ang Fiesta Carnival. Masisilayan mo nalang ito sa mga litratong na-upload sa internet o kaya naman ay sa pelikulang "Payaso" ni Kuya Germs. Puwede mo ring panoorin ang video ng "Fruitcake" ng Eraserheads kung gusto mong magbalik-tanaw.

Noong ako ay bata pa, namamasyal kami sa Fiesta Carnival kaya hindi ko maintindihan kung bakit may mga kapitalistang hindi marunong mag-isip at piniling ibaon nalang ito sa limot kasama ang aking kabataan.






6 Response to "...Namamasyal Kami sa Fiesta Carnival"

  1. Roy says:
    August 22, 2011 at 10:47 AM

    Sarap maging bata. Hihihi
    I never been in any rides. Takot ako sa height.

  2. xiergo Says:
    August 22, 2011 at 2:49 PM

    nakakamiss ang FiestaCarnival ng Cubao, Philippines! haha.. naabutan ko ito kasama ang kapatid ko. May pics pa kami dito. hahaha... Ito ang kauna unahang amusement park na napuntahan ko bago ako namulat sa EnchatedKingdom at Disneyland. haha... Year1998 ako unang nakatapak dito, grade three ata ako nun. haha...

  3. Anonymous Says:
    August 23, 2011 at 2:42 AM

    I have been there too.. But I can't remember the rides that I have ridden there. I was still in the elem level.. Ang bilis ng panahon grabe! :)

  4. yayeng says:
    August 25, 2011 at 2:40 AM

    hehehe. kakamiss din pala ang Fiesta Carnival. Sabi nga sakin dati Cubao raw ang teritoryo ko. Mula nang nagsulputan ang mga bigating malls, parang natabunan ang Araneta Center. Buti nalang, pinakialamanan ni Arch palafox. Pero kasama rito ang pagkawala ng Fiesta Carnival at C.O.D.

  5. Anonymous Says:
    March 26, 2012 at 9:44 AM

    tama ka brad. kung dito sa america yan, madami siguro ang kokontra dun sa desisyon na ipa sara ang fiesta carnival. dito, pag may isang gusali o tulad ng fiesta na matagal na panahon na naging kabahagi ng maraming pamilya at may sentimental value, ipaglalaban ng mga tao na iligtas ito at isalba. sa kasamaang palad, hindi ganun ang takbo ng pag iisip ng marami sa ating mga kababayan. kaya ganun na lang ang nangyayari sa marami sa ating mga cultural heritage. napapabayaan. nakaka lungkot isipin at pawang mga ala-ala na lang ang ating taglay.

  6. batu bata merah says:
    January 5, 2022 at 9:41 AM

    terima kasih cekgu

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...