Kung ikukumpara ang mga kabataan ngayon sa mga kabataang kinabibilangan ko na lumaki bago matapos ang Dekada NoBenta, masasabi kong malaki ang ang pagkakaiba. Malaking-malaki. At napakalaki pa.
Walang masamang tinapay akong ibig sabihin pero ang mga bata ngayon ay lumalaking obese dahil wala na silang alam gawin kundi ang tumutok sa monitor ng computer para makipaglandian sa mga kakonek sa efbee, makiusyoso sa mga twits ng iba, at manood ng mga video sa YT. Isama mo pa ang pagbababad sa paglalaro ng Angry Birds at DOTA na kinaaadikan ng lahat.
Naniniwala akong habang tumataas ang teknolohiya ng sangkatauhan ay lalong nawawala ang "social life" at "interaction" ng bawa't isa. Patuloy itong kinakain ng kuwadradong lungga ng cyberworld.
Wansapanataym, hindi pa ganun kalufet ang mga gadgets kaya naman ang mga Larong-Pambata ay tinatangkilik ng bawat bata. Kahit pati ng mga matatanda, kasama ang mga isip-bata at nagpapabata. Sabik ang mga totoy at nene sa bawat darating na araw dahil makikipaglaro sila sa kapwa nila mga bata. HINDI SA HARAP NG COMPUTER KUNDI SA LANSANGAN.
Isa sa mga paborito kong ginagawa noon kasama ang aking mga kababata ay ang PAGLALARO NG TEKS.
Naaalala mo pa ba ang mga pekeng Marvel Cards na nabibili mo sa suking tindahan at pinanlalaban sa mga kalaro? Naabutan ko sila pero hindi ang mga iyon ang tinutukoy ko. Ang sinasabi kong teks ay 'yung mga maliliit na playing cards na parang pinaghiwa-hiwalay na comic strip. Meron silang mga numero at kadalasan ay may mga "text" ang bawat isa. Ang itsura ng mga naka-drawing dito ay parang 'yung mga sinaunang billboards ng sinehan. Para rin siyang komiks, sa totoo lang. Ang katumbas nito sa bansa ni Uncle Sam ay ang mga "trading cards" na puwedeng kolektahin at ipanlaban sa mga kalaro. Kadalasan ay hango sa mga pelikulang Pinoy ang nakalimbag dito.
Hindi ko alam kung bakit kailangang magkaroon ng maraming teks noong ako ay bata pa. Basta ang alam ko lang, ang mga teks na napapanalunan ay ang kayamanan ko sa mundo. Sabi ko pa nga dati, ipapamana ko 'yun sa mga magiging anak ko balang-araw. Siyempre hindi naman nagkatotoo 'yun dahil seasonal lang ang larong teks. May panahon ng trumpo, jolen, at iba pang mga laruan kaya pana-panahon din ang hilig ng mga bata sa bawat isa. Sa kaso ng teks, mas madalas itong laruin kapag bakasyon; siguro ay dahil kailangan ng mahaba-habang oras para magkaubusan ng pato at panabla. Ubusan ng lahi.
Paano ba nilalaro ang teks?
Maraming mga paraan pero ang pinakakilala ay ibinase sa larong "cara y cruz". Imbes na barya, ang mga pato ay teks. Imbes na pera, ang mga taya ay teks din. Noong panahon ko, ang larong ito ay tatluhan lang pero nang lumaon ay puwede na ring apatan. Puwedeng sarilinan at puwede rin namang kampihan. Ang bawat manlalaro ay may patong gagamitin kaya kung dalawa lang kayong maglalaro, may isang teks na tinatawag na panabla. Ang paborito kong pato noon ay galing sa teks na "Starzan" kung saan mukha ni Cheetae ang nakalagay.
Nasa kamay ng titira ang mananalo. Ipagpapatung-patong niya ng nakatiyaya ang lahat ng teks (Take note, bawal na nakataob ang isang teks kasama ang mga nakatiyaya. Pandaraya raw yun!). Ipapaltik ito sa ere gamit ang hinlalato at hinlalaki. Astig ang pagtira mo kung may malutong itong tunog kada tatama ang kuko ng hinlalaki mo sa teks. Mas astig naman ang dating mo kung sasabayan ang kada tira ng pagsambit ng "tsub, tsa, tagilid, akeyn!". Kapag hindi mo napaikot sa ere ang mga teks ay "lose a turn" ka at "bano" ang itatawag sa'yo. Ang tumitira ang nagsisilbing "bangka" o "dealer" kaya kapag pato niya ang tumiyaya sa mga teks, kabig lang siya ng kabig. Kapag hindi naman, bayad siya!
Sa pagbabayad ng teks na itinaya ng kalaban, dapat ay marunong kang magbilang. Hindi 'yung basta at simpleng pagbilang dahil may teknik para dito - "i-sa, dal-wa, tat-lo, a-pat...". Ang bawat numero ay katumbas ng dalawang teks. Kapag may butal sa pagbibilang, ang tawag dito ay "t'ya". May ibang mayayabang kapag nagbibilang; sila 'yung mga pumapadyak-padyak pa ng paa kada sambit ng bilang. Parang 'yung napapanood mo sa wrestling na pagpadyak kada suntok sa ulo ng kalaban. May mga pagkakataong malakasan na ang laban kaya naman hindi na puwedeng magbilangan - ang tawag na dito ay "dangkalan" o ipagtatapat niyo nalang ang dami ng mga teks na itinaya at ipambabayad. "Isang dangkal...dalawang dangkal". Malas mo kung maliit ang kamay mo! Sa mga magagaling at malalakas ang loob na lumaban ng mas malakasan (sila 'yung mga tinatawag na "bitir" o "beater"), hindi puwede ang bilangan at dangkalan, ang nilalaro nila ay dampaan! Ilalapag nalang sa sahig ang mga teks ng nakasabog at bahala na kayong mag-estimate kung pantay ang bayad sa itinaya. Kapag natalo ka, ang tawag sa'yo ay "na-tibis".
Hindi mawawala ang mga asaran habang naglalaro. Magaling mang-asar ang nanalo at kadalasang napipikon ang natatalo. Dahil isip-bata pa, sa suntukan napupunta ang friendly game.
Ang dami naming teks ng utol kong si Pot at pinsan kong si Badds. Pinagsasama-sama namin ito na par kaming magkakasosyo. Dumarayo pa kami ng ibang lugar para lang makipaglaban ng teks. Lahat ng napapanalunan namin ay inilalagay amin sa kahon ng sapatos o kaya naman ay sa carton ng "Dial" soap na family pack. Galit na galit si ermats dahil ang tingin niya sa mga ito ay kalat lang. Isa pa, ayaw na ayaw niyang umuuwi siya ng bahay galing trabaho na wala pa kami at matatagpuang nakikipaglaro pa ng teks sa mga kapwa naming kalye boys. Lagi naming naririnig si mamang sumisigaw ng "Kapag hindi kayo umuwi ng maaga, lulutuin ko 'yang mga teks niyo at ipapakain sa inyo!". Hindi namin sineryoso ito hanggang sa isang araw pag-uwi namin ni utol ay nakita naming nilalagay na ni ermats sa kaldero ang mga inipon naming teks at nasa akto na siyang lulutuin ang mga ito. Ayun, iyak kami ng iyak!
Noong ako ay bata pa, naglalaro kami ng teks. Suwerte namin noon dahil hndi ito naranasan ng mga kabataan ngayon. Ang buhay natin ay parang laro ng teks. Sa bawat laban ay may nanalo at natatalo. Mayroong suwerte at mayroon ding malas. Kapag ikaw ang magaling, ikaw ang ang nagsasabi ng "Tsek na lahat 'yang hawak mo!" sa kalaban. Kung ikaw naman ang malas na gusto pang bumawi, ikaw ang nagsasabi ng "Lahat na, pati pato at panabla!".
September 21, 2011 at 12:13 PM
nakakamiss ang teks.... di na uso sa kabataan to. :( bihira na ang may dangkaldangkal na teks
September 24, 2011 at 11:32 PM
HIndi ako naglalaro ng teks nung bata pako. Yung mga lalaki kong classmates, ay super.. :)
September 27, 2011 at 10:01 AM
Asteeg!
Naka-archive pa yung mga teks namin ng kuya ko sa malaking maleta.
Kapag umuuwi ako sa probinsya, meron pa akong nakikitang naglalaro ng teks, Pero hindi na kasing hardcore ng dati.
dati, mga pelikula na pakomiks ang laman ng teks.
Ng naglaon, anime.
Go further, pati mga teleserye na. XD
Makapaglagay nga ng category sa blog ko na "Noong bata pa ako".
May mga times na natatalo, kapag natalo mamamalato.
September 28, 2011 at 12:03 AM
:") Nakakamiss.
October 18, 2011 at 7:44 PM
hahaha nkkmiss ung paglalaro ng teks meron pa dti ung alog tansan ung pambayad blat ng kendi hahaha super nkakamis ang lao noon:)
November 2, 2011 at 9:15 PM
hahaha...na22wa tlg ako sau nobenta galing mo... he he...kc ako kahit onli girl lng ako mahilig din ako mag laro ng teks ..kinukuha ung sa mga kua ko...kasali din ako sa sumpit..ahh..baril d tasan..sama mo n ung tumbang preso...
November 20, 2011 at 11:17 PM
Hahaha Tara teks tayo!!
Naalala ko itong larong ito nagpupunta/dumadayo pa kami ng crame para makipag-laban.
pagnanalo meron balato ang mga kalaro ko.. hahaha kakatuwa sarap isipin ng kabataan ko... ^_^
November 28, 2011 at 9:07 AM
hahaha nakakarelate ako...ang simple lang ng mga laruan nung 90's hindi na kailangan ng magarang laruan o mga gadgets, kahit nga mga pulbos ng johnson na walang laman nilalagyan namin ng gulong na gawa sa lumang tsinelas...paligsahan na kmi sa pagpapatakbo:)) at ung baril na kahoy khit girl ako nakikisunod ako sa mga boys...hay sarap maging bata:)
ang pinakagusto ko ang patentero sa lahat ng mga kalaro ko ako ang pinakamaliit kaya ako lagi ang nakakalusot...hehehe
December 10, 2011 at 12:42 PM
sayang at nawala ang teks sa uso. daati meron akong Dragon Ball, Zenki, Voltes V, Daimos, yuyu hakusho, atbp.
January 1, 2012 at 12:37 PM
Wala kaming pahinga dito kahit araw-araw..pagpasok sa school habang naglalakad dahil public hehe..pag pauwi ganon uli reces pagapsok sa hapon paguwi sa hapon hayy....isang malupet from bossing nobenta.-jep
January 23, 2012 at 1:13 PM
Naipon parin ung mag teks namin ng kapatid ko noon. Nasa 18 and 20 yrs. old na kami. Partida, babae ako, kaya mejo lumaki akong boyish dahil puro mga lalaki kalaro ko noon. Pati lastiko nandun,naipon pa. Ung mga tansan atbiyak biyak na batong pamato sa taksing...oh ha..
May 10, 2012 at 8:46 PM
nakapaglaro po ba kayo ng mga kaha ng sigarilyo atsaka goma
May 29, 2012 at 12:00 AM
isa yan sa paborito kng laruin ung childhood days q talagang nakakamiss naalala q pa ung pamato qng isputnik at minsan codename bomba pero malupit tlaga ung isputnik eh hehehe minsan tinago ng tatay q ung mga teks namin ng kapatid q iniyakan q pa ayun napalo tuloy aq, pero ang bunga nman un ay isang masayang alaala ng kabataan q.