...Ayokong Mahuli sa Flag Ceremony

Tuwing Lunes, noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame, hindi puwedeng mahuli sa pagpasok dahil ito ay ang araw ng Flag Ceremony. Kaya naman maaga kaming ginigising ni ermats para maaga ring makaalis ng bahay. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw naming mahuli tuwing unang araw ng linggo ay ayaw naming pumila sa linya ng mga "late-comers" kasama ang mga estudyante galing sa iba't-ibang sections. Bukod sa sermon ng mga guro namin, malaki ang posibilidad na maiiwan kayo para parusahan - magwalis ng mga tuyong dahon, magtapon ng basura, at kung anu-ano pang mga bagay na ayaw gawin ng mga bata.

Maaga akong pumasok  sa iskul kaya nga mdalas akong mabigyan ng ribbon na "Most Punctual" noon. Ikaw ba naman ang mauna pa kay manong guard (na janitor na rin) para buksan ang gate, ewan ko nalang kung hindi ka pa magka-award! Ako lagi ang nauuna sa tambayan naming bench na malapit sa fish pond kaya alam ko kung sino ang mga wala pa sa tropa at kung sino ang mga late. Kapag nagdatingan naman na sila ay kanya-kanya munang kuwentuhan tungkol sa napanood kagabi, yabangan ng mga bagong laruan, at bidahan ng mga bagong corny jokes.

Kapag pumunta na ang mga advisers ng bawat section sa quadrangle, hudyat na iyon na magsisimula na ang flag ceremony kaya magpupuntahan na ang bawa't isa sa mga naka-assign na puwesto. Kada section ay dalawang pila; hiwalay ang pila ng mga lalaki sa pila ng mga babae. Ang ayoko lang sa pagpila ay ang instruction na "according to height". Eh bansot ako noon (hanggang ngayon pa rin naman) kaya lagi akong nasa harapan. Sa totoo lang, hindi lang naman ako ang maliit sa klase namin dahil magkasing-tangkad (oo, pakiramdam din naming matangkad kami dahil sa Star Margarine)  kami ng klasmeyt kong si Leandro Galvez. Pareho naming ayaw umamin na maliit kami kaya napagkasunduan nalang namin na palitan kami sa harap kada Monday. Kung bakit kasi hindi nalang "according to surname" -  sa apelyido kong Quitiquit, siguradong nasa bandang likod ako!

"Arms forward....arms sideward!", tiger-scream ng mga ma-epal na bumibidang estudyante ng bawat section bago simulan ang ceremony. Dapat ay straight ang line. Mapapagalitan ka kung tumabingi ito dahil sa kagagawan mo. Naiisip ko lang noon, hindi naman pantay ang mga braso namin pero tuwid pa rin ang pila.

Kailangang wala ka na ring mga borloloy sa katawan bago magsimula ang pagtaas ng bandila. Bawal ang mga bags. Bawal ang mga pamaypay. At lalong bawal na bawal ang mga sambalilo sa ulo.

Kapag okay na ang lahat ay pupunta naman na ang gurong naka-assign mag-lead sa flagpole area. Nakaharap ang lahat ng pila sa kanya at kailangang sundin mo ang pagkumpas ng mga kamay niya sa time signature na 4/4 para maawit ng maayos ang "Bayang Magiliw", este "Lupang Hinirang" pala. Hindi puwedeng mabilis, hindi rin puwedeng mabagal. Lagot kayo sa mga teachers niyo (lalo na sa M.A.P.E.) kapag nasintunado at nawala sa tiyempo ang pagkanta nito. Minsan kapag tinatamad ang mga guro namin ng madalas, namimili siya ng magaling sa Music para kumumpas sa harap. Kadalasan, mga babae o binabae ang napagti-tripan.

Maraming styles ang maririnig mo sa pagkanta ng pambansang awit. Merong mga estudyanteng biniyayaan talaga ng boses kaya ang sarap pakinggan. Meron din namang sintunado kaya sana ay 'di mo nalang naririnig. Merong kahit na wala na sa tono ay nagpipilit pa rin dahil makapal ang mukha. Meron namang nagli-lipsynch nalang dahil nahihiya. Pero isa lang ang totoo, lumalakas ang pagkanta ng lahat kapag nasa parte na ng "...ang mamatay ng dahil sa'yo"!

Ang toka naman sa pag-raise ng flag ay kadalasang napupunta sa mga matatangkad na kalalakihan ng batch namin. Gustung-gusto kong magtaas ng watawat ng Pilipinas kaso lagi akong nabibigo dahil nga bansot ako. May isang pagkakataon na napagbigyan akong humawak ng lubid dahil absent 'yung klasmeyt namin at nakulitan na lang sa akin dahil ako lang ang nagpiprisinta. Taena, ang hirap pala nito. Habang itinataas namin 'yung flag, panay ang pabulong na pagpapaalala ng kasama ko na dahan-dahan lang at dapat sabay kami sa katapusan ng pagkanta ng national anthem. Para akong matatae!

Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas. Isa ito sa part ng ceremony kung saan madalas kaming mag-unahan kung sino ang pupunta sa harapan para mag-lead. Sikat ka kasi kapag memorized mo ito at ikaw pa ang sinusundan ng lahat. Eh ma-epal din ako at gusto kong sumikat sa iskul kaya madalas akong nakikipag-unahan. Mahirap din mag-recite nito ha. Kailangang alam mo ang pagkakahati ng mga linya nito - hindi puwedeng sobrang igsi at hindi rin puwedeng sobrang haba dahil mahihirapan ang mga sumusunod sa'yo.

Sa ibang schools, mayroon silang loyalty song o hymn. Sa aming paaralan, wala nito pero mayroon naman kaming "Quezon City" hymn. Sa totoo lang, 'di ko na maalala ang lyrics at tono nito.

Pagkatapos ng flag ceremony, kanya-kanya na ang pasok ng bawat section sa kani-kanilang silid-aralan.

Noong bata pa ako, ayokong mahuli sa flag ceremony. Isa ito sa disiplinang hanggang ngayon ay nagagamit ko sa aking pamumuhay.




3 Response to "...Ayokong Mahuli sa Flag Ceremony"

  1. Anonymous Says:
    December 11, 2011 at 7:35 AM

    PUCHA promise kakatuwa basahin mga blog mo pre hehehe..keep it up,,,ito kasi libangan ko pag wala na akong ibang outlet.(lagi nman wala) lol..Mspinkz

  2. jep says:
    January 13, 2012 at 11:19 AM

    Sarap sundan ng blog mo pre haha kakalibang....

  3. Raiden™ says:
    April 28, 2013 at 11:42 AM

    nakarelate ako. haha..
    nung grade 6 kasi ako, isa ako sa tatlong naassign na magtaas at magbaba ng watawat kahit hindi ako boyscout [ang alam ko kasi nung time na yun na yung mga boyscouts lang ang inaassign sa ganun]. mahirap sa una kasi kelangan ng timing sa pagtaas/pagbaba kasabay ng lupang hinirang. :D

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...