...Pinapanood Ko ang Post-New Year Special ng MGB


Kapag sumasapit ang Bisperas ng Bagong Taon, ang lahat ng Pinoy ay abala sa paghahanda. Kanya-kanyang bili at pag-aasikaso sa mga kung anu-anong ihahanda para sa Medyanotse. Kahit na walang-wala at kapos sa pera ay kailangang may maihain sa mesa bago pumatak ag alas-dose ng hatinggabi para salubungin ang panibagong pag-asa. Mga prutas na bilog, keso de bola, at hamonado. Sana ay maging masagana ang pagpasok.

Kasama na sa tradisyon nating ito ang paghahanda rin ng mga pampaingay na gagamitin sa pagsalubong ng New Year. Sabi ng mga matatanda, ang malas ay hindi papasok sa inyong tahanan kapag hinarangan mo ito ng maingay na maingay na tunog bago pumatak ang hatinggabi. Takot daw ang mga bad vibrations dito. Noong ako ay bata, natatandaan ko ang pamimili namin sa palengke  nila ermat at utol ng mga torotot na gawa sa mga negative ng bomba films - ito ang ginagamit namin upang i-welcome ang dapat salubungin. Kinakalampag din namin ang mga kaserola at mga palangganang gawa sa aluminum. Ang saya-saya namin kahit na nababasag ang aming mga eardrums sa lakas ng tunog! 

Siyempre, hindi kumpleto ang okasyon kapag walang mga paputok sila erpats, tito, kuya, bayaw, at si lelong. Bawang, plapla, 5-star, trianggulo, sawa, sinturon ni hudas, superlolo, at iba pang mga fire crackers. Pangalan pa lang ay nakakatakot na. Halagang babayaran mo pa lang para makabili ay sabog na kaagad ang bulsa mo!

Bakit nga ba adik na adik tayo sa pagpapaputok? Dahil ba sa "thrill" na naidudulot nito sa atin? Sa paniniwalang nakakapagpaalis ito ng bad luck? O dahil sa gusto lang natin magmukhang macho?

Ang sagot: ALL OF THE ABOVE.

Aaminin kong mahilig ako sa mga paputok pero takot akong magpaputok. Ayokong mabawasan ang mga daliri ko dahil baka mawala ang mga hintututro at mga hinliliit kong madalas kong ipangulangot. Bukod sa hindi ko mabipigilang pastime ay masyado akong naapektuhan ng "Post-New Year Special" ng "Magandang Gabi, Bayan" ni Noli De Castro.

Isa ito sa dalawang episodes na hindi ko pinapalagpas sa programang MGB (ang isa ay ang "Halloween Special") dahil aliw na aliw ako sa hindi nagbabagong tema ng mga kuwentong inilalahad taun-taon. WALANG KADALA-DALA. Kung bibigyan ko ito ng soundtrack, puwede na siguro ang kantang "'Di Na Natuto". Ang totoo, malaki ang naging kontribusyon ng episode na ito sa pagpapalaganap ng "awareness" upang bumaba ang mga sakunang may kinalaman sa paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.

"Roman Holiday" (alamin mo nalang kung ano ang ibig sabihin nito) para sa akin ang panonood ng mga kamay na nagmimistulang tocino at longganisa dahil sa aksidenteng dulot ng mga paputok. Sa bawat eksenang ipinapakita ay nadarama ko ang awa sa hapdi nilang nararamdaman sa paghalo ng pulbura sa dugo ng laplos na parte ng kanilang mga  katawan. 'Yun nga lang, habang nanonood ay napapasambit naman ako ng "Loko, uulit ka pa ha!".

Iba't iba ang mga scenarios na paulit-ulit na napapanood taun-taon sa episode na ito pero hindi nakakasawa. Hindi ko lang alam kung bakit sa kabila ng walang-humpay na paalala ng DOH na huwag gumamit ng paputok ay marami pa rin tayong kababayang makukulit.

WATUSI JUICE. Ito lang yata ang paputok na kaya kong hawakan. Kaya ko pa ngang alugin habang nakasindi. Kada taon ay may mga batang nalalason dahil itinitimpla ang watusi sa tubig at iniinom. Madali lang itong ispelegin kung bakit nangyayri. Hindi ang musmos na paslit ang may sala kundi ang walang-modong mga magulang.

MAY NATAPAKANG PAPUTOK SA KALSADA. "Di ko makakalimutan 'yung isang lalaking ipinakita na nawasak ang sapatos dahil sa paputok na kanyang naapakan sa daan habang naglalakad galing sa pagsisimba. Sino ang may kasalanan, ang nagpaputok na hindi isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga dumaraan o ang simbahan na nagdaraos ng misa na may sked na kadikit ang hatinggabi? Ang solusyon, magsuot ng safety shoes.

NAMUMULOT NG MGA SUPOT NA PAPUTOK. Ugali ko dati ang mamulot ng mga 'di pumutok na rebentador sa kalsada. Isa-isa ko itong binabalatan at iniipon ang mga pulburang nasa loob nito. Ipoporma ko siya sa sahig at sisindihan para makagawa ng epek na tulad ng sa mga magicians kapag sila ay nagdaraos ng shows. Huminto nalang ako sa bisyong ito noong mapanood ko sa teevee ang mga batang nabawasan ang daliri dahil sa gawaing ito. Pero huwag ka, ilang beses na nabawasan ang kilay ko sa tuwing sinisindihan ko ang pulbura!

SUMABOG NA LUSIS, ROMAN CANDLE, AT FOUNTAIN. Defective na mga paputok. Paano ka ba naman magtitiwalang humawak pa ng mga ganito kung may mababalitaan kang naputol ang kamay dahil sa lusis na alam na alam mo namang safe? Paksyet lang.

LASHENG AKO. Nagsindi ng paputok gamit ang yosi. Itinapon ang yosi. Hinithit ang paputok. Sabog ang mukha. Putol ang kamay. Buti nalang ay may tama ng alak kaya hindi masyadong masakit. Gago.

DUMIKIT ANG PAPUTOK SA KAMAY DAHIL KUMAIN NG BIKO. Sinong gago naman ag lolokohin mo? Lasheng ka 'noh?!

TINAMAAN NG LIGAW NA BALA. Kaya wala akong bilib sa mga taong may baril dahil ang hilig nilang pumorma. Kahit na Bagong Taon ay paiiralin pa rin nila ang pagiging DTNL. Hoy mga ser na pulpol, ang mga baril na 'yan ay hindi dapat makapatay ng mga sibilyang natutulog o kaya ay nagsasaya tuwing New Year. Tsk tsk.

Wala na ang MGB pero mula noong ako ay bata pa hanggang sa ngayong matanda na ay ganito pa rin ang mga eksena sa emergency rooms kapag salubong ng Bagong Taon.

Noong ako ay bata pa, pinapanood ko ang Post-New Year Special ng MGB. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit kaya ko pa ring magbilang ng one to ten gamit ang mga daliri ng aking mga kamay.

MAGLIBAG SA PASKO AT MALIGO SA BAGONG TAON!!! 


4 Response to "...Pinapanood Ko ang Post-New Year Special ng MGB"

  1. Anonymous Says:
    December 31, 2011 at 9:38 AM

    Natawa ako dun sa dumikit na paputok sa kamay. Halata naman kasing lasing ang gumagawa nun dahil sinong ungas ang kakain habang nagsisindi ng paputok? haha!

  2. jep says:
    January 1, 2012 at 12:19 PM

    Sobrang kakatuwa ang blog mo na to bossing..nakakawala ng problema..isa ito sa iilang nakabookmark sa akin kasama ng youtube..wiki..at fb haha.3yrs ahead ka sa akin bossing pero lahat ng exp mo sagap na sagap ko din...never get tired of sharing boss ha..sarap balikan

    tanda ko pa kundi after..before nito yung bioman shaider na palabas..happy new year bossing..more power..keep it up always..

  3. jep says:
    January 1, 2012 at 12:27 PM

    Sobrang kakatuwa ang blog mo na to bossing..nakakawala ngproblema..isa ito sa iilang nakabookmark sa akin kasama ngyoutube..wiki..at fb haha.3yrs ahead ka sa akin bossing pero lahatng exp mo sagap na sagap ko din...never get tired of sharing bossha..sarap balikantanda ko pa kundi after..before nito yung bioman shaider napalabas..happy new year bossing..more power..keep it up always..-jep

  4. mercynita paras says:
    January 5, 2012 at 8:07 AM

    tawang tawa ko sa maglibag sa pasko at maligo sa bagong taon.. at ciempre gngawa ko rin ung mamulot ng d pmutok na paputok at sisindhan sabay sigaw ng "genie" hehehe

Post a Comment

Labels

airport (1) alatiris (1) ambon (1) anime (1) araling panlipunan (1) aratilis (1) araw (1) aso (1) autograph (1) ba-bye (1) bagong taon (1) bakasyon (1) bata (9) bible (1) bisperas (1) bubble wrap (1) buhay-bata (7) cartoons (1) childhood (17) classroom (1) coca cola (1) commercials (1) compatibility test (1) crush (1) dogs (1) drunken master (1) embarrasssing (1) eroplano (1) eskwela (3) estudyante (1) f.l.a.m.e.s. (1) farewell (1) field trip (1) fiesta carnival (1) films (1) flag ceremony (1) food (2) fort santiago (1) fun (1) gagamba (1) gagambang-bahay (1) gagambang-kuryente (1) gagambang-talahib (1) galleria (1) ghost stories (1) gold fish (1) habits (1) halloween (1) hekasi (1) holy week (1) isdang kanal (1) jackie chan (1) joey (1) jokes (1) juice concentrate (1) juice drink (1) kabataan (5) kanin (1) katis (1) kung-fu (1) kuto (1) kuwaresma (1) larong pambata (2) LBM (1) lisa (1) magandang gabi bayan (1) maghuli (1) martial arts (1) megamall (1) mgb (1) movies (1) NAIA (1) nayong pilipino (1) new year (1) noisy (1) noong ako ay bata pa (1) nursery rhymes (1) nutribun (1) pagkabata (1) paglaki (1) paputok (1) patawa (1) peksman (1) pet (1) pets (1) poems (1) profession (1) puppy love (2) recess (1) rj ledesma (1) robinsons (1) royal tru orange (1) school (6) school project (1) semana santa (1) shangri-la (1) sibika at kultura (1) slambook (1) snake in the eagle's shadow (1) snow (1) standing (1) styrofoam (1) styrosnow (1) sumpit (1) sumpitan (1) sunny orange (1) superbook (1) superhero (1) tag-ulan (1) talino (1) teevee (3) teks (1) the flying house (1) toilet (1) tradisyon (1) tula (1) urban legends (2)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...